The New City Catechism

Part 1:
Ang Diyos, ang Paglikha at Pagkahulog sa Kasalanan, at ang Kautusan

Q1
Ano ang tangi nating pag-asa sa buhay at sa kamatayan?

Na hindi na natin pagmamay-ari ang ating buhay, katawan at kaluluwa, sa buhay man o kamatayan, kundi ito ay sa Diyos na at sa ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Q2
Ano ang Diyos?

Ang Diyos ang Siyang Lumikha at Nagpapanatili ng bawat-isa at sa lahat ng mga bagay. Siya ay walang hanggan, hindi natatapos, at hindi nagbabago sa Kanyang kapangyarihan at pagiging perpekto, kabutihan at kaluwalhatian, sa karunungan, katuwiran, at katotohanan. Walang anumang bagay ang napangyayari kundi sa pamamagitan Niya at sa Kanyang kalooban lamang.

Q3
Ilang Persona mayroon ang Diyos?

Mayroong tatlong Persona sa isang tunay at buháy na Diyos: Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Sila ay magkakatulad ng kalikasan at pantay sa kapangyarihan at kaluwalhatian.

Q4
Paano at bakit tayo nilikha ng Diyos?

Nilikha tayo ng Diyos na lalaki at babae ayon sa Kanyang wangis at larawan upang atin Siyang makilala, mahalin, mabuhay para sa Kanya, at luwalhatiin Siya. Kaya nararapat lamang na tayong nilikha Niya ay mabuhay para sa kaluwalhatian Niya.

Q5
Ano pa ang mga nilikha ng Diyos?

Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan Niyang Salita, at ang lahat ng nilikha Niya ay napakabuti; at ito ay nagbunga sa ilalim ng Kanyang mapagmahal na pamamahala.

Q6
Paano natin luluwalhatiin ang Diyos?

Naluluwalhati natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapakasaya natin sa Kanya, pagmamahal natin sa Kanya, pagtitiwala natin sa Kanya, at pagsunod natin sa kalooban, mga atas, at kautusan Niya.

Q7
Ano ang ipinag-uutos sa atin ng Kautusan ng Diyos?

Ito ay sa pamamagitan ng personal, perpekto, at walang hanggang pagsunod natin sa Kanya; na nararapat nating mahalin ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at kalakasan; at mahalin din ang ating kapwa na gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. At anuman ang ipinagbabawal ng Diyos ay huwag nating gawin at kung ano naman ang Kanyang ipinag-uutos ay dapat naman nating sundin.

Q8
Ano ang Kautusan ng Diyos na nakasaad sa Sampung Utos?

"Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa Akin."
"Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat Akong PANGINOON mong Diyos ay mapanibughuing Diyos."
"Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang Pangalan ng PANGINOON mong Diyos." "Lagi mong tandaan at ilaan para sa Akin ang Araw ng Pamamahinga."
"Igalang mo ang iyong ama at ina."
"Huwag kang papatay."
"Huwag kang mangangalunya."
"Huwag kang magnanakaw."
"Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa."
"Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iyong kapwa."

Q9
Ano ang ipinag-uutos sa atin sa una, ikalawa, at ikatlong utos?

Ito ang una, na ating makilala Siya at tayo ay magtiwala sa Kanya bilang nag-iisang tunay at buháy na Diyos. Ikalawa, ay ang pag-iwas natin sa pagsamba sa diyus-diyosan at hindi natin masamba ang Diyos sa paraang hindi kanais-nais sa Kanya. At ito naman ang ikatlo, na tratuhin natin ang pangalan ng Diyos nang may banal na pagkatakot at paggalang, sa gayon ay naipapakita natin ang ating paggalang sa Kanyang Salita at mga ginawa.

Q10
Ano ang ipinag-uutos sa atin sa ika-apat at ika-limang utos?

Ito ang ika-apat, ang makapaglaan tayo ng oras sa Pampubliko at Pansariling Pagsamba sa Diyos sa Araw ng Pamamahinga, huminto at magpahinga sa ating nakagawiang mga gawain o trabaho, paglingkuran ang Panginoon at ating kapwa habang hinihintay naman natin ang walang hanggang Araw ng Pamamahinga. At ang ikalima naman ay ito, na dapat nating mahalin at igalang ang ating ama at ina, magpasakop sa kanilang maka-Diyos na disiplina at direksyon.

Q11
Ano ang ipinag-uutos sa atin sa ika-anim, ika-pito, at ika-walong utos?

Sa ika-anim ay ito, na hindi natin saktan, o kamuhian, o maging matigas ang ating puso sa ating kapwa, bagkus maging mapagpasensiya at mapayapa, na pati sa ating mga kaaway ay marapat na gawin rin natin ang mga bagay na ito. Sa ika-pito, na dapat tayong umiwas sa seksuwal na imoralidad sa halip ay mamuhay nang matapat at may kabanalan, sa buhay may asawa man o wala, at iniiwasan ang mga hindi tamang gawa, pananamit, pananalita, pag-iisip o anumang bagay na magdudulot ng pagkakasala. At ang ika-walo ay ito, na hindi natin kunin ang bagay na pagmamay-ari ng iba nang walang pahintulot nila, ni magkait ng mga bagay sa ating kapwa na tayo lang ang magbebenepisyo.

Q12
Ano naman ang ipinag-uutos sa atin sa ika-siyam at ika-sampung utos?

Sa ika-siyam ay ito, na hindi tayo magsinungaling o mandaya man, bagkus ay magsabi ng pawang katotohanan sa diwa ng pag-ibig. At ang huli at ika-sampu naman ay ito, na matuto tayong makuntento kung ano ang ibinigay sa atin ng Panginoon, at hindi pag-imbutan ang pag- aari ng ating kapwa na ipinagkaloob rin sa kanila ng Diyos.

Q13
Kaya ba ng sinuman na sundin ang Kautusan ng Diyos nang perpekto?

Simula noong nahulog ang tao sa kasalanan, wala nang sinuman sa buong sangkatauhan ang kaya pang tuparin ang Kautusan ng Diyos nang perpekto, bagkus ay patuloy itong sinusuway ng tao sa kanilang isip, salita, at gawa.

Q14
Nilikha ba tayo ng Diyos na hindi kayang sundin ang Kanyang Kautusan?

Hindi, ngunit dahil sa pagsuway ng ating mga unang magulang, sina Adan at Eba, lahat na rin ng nilikha ay nahulog sa kasalanan; kung kaya lahat tayo ay ipinanganak sa kasalanan at sira na ang ating likás, kaya hindi na natin kaya pang sundin ang Kautusan ng Diyos.

Q15
Kung gayon na wala nang kaya pang sumunod sa Kautusan, ano pa ang layunin nito sa atin?

Para malaman natin ang perpektong kabanalan at kalooban ng Diyos, at ang pagiging makasalanan at patuloy na pagsuway ng ating mga puso; sa gayon ay mapagtanto natin na tunay nga tayong nangangailangan ng isang Tagapagligtas. Itinuturo rin sa atin ng Kautusan at hinihimok tayo nito kung paano tayo dapat mamuhay ng karapat-dapat sa ating Tagapagligtas.

Q16
Ano ang kasalanan?

Ang kasalanan ay hindi pagtanggap at pagbalewala sa Diyos dito sa daigdig na Kanyang nilikha, patuloy na pagre-rebelde sa Kanya sa pamamagitan ng pamumuhay nang hindi ayon sa Kanyang kalooban, at hindi paggawa nang kung ano ang ipinag-uutos Niya sa Kanyang Kautusan—na paniguradong magdudulot sa atin ng kamatayan at pagkakagulo sa lahat ng mga nilikha.

Q17
Ano ang pagsamba sa diyus-diyosan?

Ang pagsamba sa diyus-diyosan ay ang pagtitiwala sa mga nilikhang bagay sa halip na sa Lumalang para sa ating pag-asa, kasiyahan, kahalagahan, at katiwasayan.

Q18
Hinahayaan lang ba ng Diyos ang pagsuway natin at pagsamba sa diyus-diyosan ay hindi naparurusahan?

Hindi, sapagkat ang bawat kasalanan ay labag sa kapangyarihan, kabanalan, at kabutihan ng Diyos, labag rin ito sa Kanyang makatuwirang Kautusan. At ang Diyos ay may makatarungang galit sa ating mga kasalanan, at Kanya itong parurusahan sa dakilang araw ng Kanyang paghuhukom, dito pa man sa buhay na ito at sa darating pang mga panahon.

Q19
Mayroon pa bang paraan upang makaiwas tayo sa kaparusahang darating at muling maibalik sa pabor ng Diyos?

Oo, para mabigyang kasapatan ang Kanyang katuwiran, ang Diyos mismo, ayon sa Kanyang kahabagan, ay ipinagkasundo tayo sa Kanyang sarili at iniligtas tayo sa ating mga kasalanan at sa kaparusahang kalakip nito sa pamamagitan ng isang Manunubos.

Q20
Sino ang Manunubos na ito?

Ang tanging Manunubos na ito ay ang Panginoong Jesu-Cristo, ang walang hanggang Anak ng Diyos, na sa Kanyang katauhan ang Diyos ay naging Tao at inako ang kabayaran ng kasalanan sa Kanyang sarili.

Part 2:
Si Cristo, ang Pagtubos, at ang Biyaya

Q21
Anong katangian mayroon dapat ang Manunubos upang tayo ay maibalik sa Diyos?

Siyang Manunubos ay dapat ngang tunay na Tao at tunay ring Diyos.

Q22
Bakit kinakailangan na ang Manunubos na ito ay tunay na Tao?

Upang sa Kanyang kalikasan bilang tao ay maging kahalili natin na kayáng tuparin ang buong Kautusan at magdusa para sa kaparusahan ng mga kasalanan ng tao; at gayundin ay makisimpatya sa ating mga kahinaan.

Q23
Bakit kinakailangan na ang Manunubos na ito ay tunay na Diyos?

Upang sa Kanyang kalikasan bilang Diyos, ay maging sakdal at epektibo ang Kanyang pagsunod at pagdurusa; sa gayon ay makayanan Niya rin ang matuwid na poot ng Diyos laban sa kasalanan, ngunit kayá ring mapagtagumpayan ang kamatayan.

Q24
Bakit kinakailangan na si Cristong Manunubos ay mamatay?

Dahil nga ang kamatayan ang siyang kabayaran ng kasalanan, si Cristo ay nagkusang mamatay sa ating lugar upang Kanya tayong mailigtas sa kapangyarihan at kabayaran ng kasalanan, at muli tayong maibalik sa Diyos. Dahil sa Kanyang buhay na namatay upang gawing handog, Siya lang ang may kakayahang tumubos sa atin sa impiyerno, at magkaloob ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, katuwiran, at buhay na walang hanggan.

Q25
Ang kamatayan ba ni Cristo ay makapagpapatawad sa lahat ng ating mga kasalanan?

Oo, dahil ang kamatayan ni Cristo sa krus ay sapat, at nabayaran na nito nang buo ang lahat ng ating mga kasalanan, at dahil sa kahabagan ng Diyos ay ipinagkakaloob Niya sa atin ang katuwiran ni Cristo, anupa't itinuturing Niya itong sa atin na, at hindi na Niya inaalala pa ang ating mga kasalanan.

Q26
Ano pa ang tinubos ni Cristo doon sa Kanyang pagkamatay?

Ang kamatayan ni Cristo ang siyang naging pasimula ng katubusan at pagpapanibago ng bawat nilalang na nahulog sa kasalanan, at sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang salita, ay pinasusunod Niya ang lahat ng mga nilikha para sa Kanyang kaluwalhatian at sa ikabubuti ng lahat ng mga nilalang.

Q27
Ang lahat ba ng tao, na naligaw sa pamamagitan ni Adan, ay maaaring maligtas kay Cristo?

Hindi, bagkus sila lamang na hinirang ng Diyos at pinag-isa kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Gayunpaman, dahil ang Diyos ay mahabagin, patuloy pa rin Niyang ipinapalasap ang Kanyang biyaya sa kanilang hindi naman Niya hinirang.

Q28
Ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan doon sa mga hindi nakipag-isa kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya?

Sa Araw ng Paghuhukom, matatanggap nila ang nakakikilabot ngunit matuwid na hatol ng kapahamakan na ipapataw sa kanila. Sila ay aalisin sa harapan ng Diyos, at sila'y itatapon sa impiyerno at parurusahan doon nang may katuwiran magpakailanman.

Q29
Paano ba tayo maliligtas?

Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at sa Kanyang sapat na kamatayan doon sa krus ng kalbaryo. Gayundin naman, sa kabila ng ating mga pagsuway sa Diyos at patuloy na pagkakasala, ang Diyos, sa Kanyang hindi matumbasang biyaya at hindi dahil sa ating mga sariling mabuting gawa, ay pinagkakalooban tayo ng perpektong katuwiran mula kay Cristo, kung tayo ay magsisisi at sasampalataya sa Kanya.

Q30
Ano ang pananampalataya kay Jesu-Cristo?

Ang pananampalataya kay Jesu-Cristo ay ang pagkilala sa katotohanang inihayag ng Diyos sa Kanyang Salita, pagtanggap at pagtitiwala lamang sa Kanya para sa kaligtasan na Kanyang iniaalok sa atin sa Ebanghelyo.

Q31
Ano ang pinaniniwalaan natin sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya?

Lahat ng itinuro sa atin sa Ebanghelyo. Ang Kredo ng mga Apostol ay nagpapahayag ng mga bagay na ating sinasampalatayanan sa pamamagitan ng mga salitang ito:

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat na Lumalang ng langit at lupa.

Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, Kanyang Bugtong na Anak na ating Panginoon; na ipinaglihi sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at isinilang ni birheng Maria, nagdusa sa ilalim ng paglilitis ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay at inilibing; nanaog Siya sa kinaroroonan ng mga patay; at sa ikatlong araw ay nabuhay na mag-uli; umakyat Siya sa langit at naluklok sa kanang kamay ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat; at mula roon ay babalik Siyang muli upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay.

Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, sa banal na iglesyang pangkalahatan, sa kapulungan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa muling pagkabuhay ng katawan, at sa buhay na walang hanggan. Amen

Q32
Ano ang ibig sabihin ng pag-aaring ganap at pagpapabanal?

Ang pag-aaring ganap ay ang paghahayag sa atin na tayo ay matuwid na sa harapan ng Diyos, at ito'y ginawang posible sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo para sa atin. At ang pagpapabanal naman ay ang ating unti-unting paglago sa katuwiran at kabanalan sa pamamagitan ng Espiritu Santong gumagawa sa ating buhay.

Q33
Nararapat ba na ang mga sumampalataya kay Cristo ay maghanap pa ng kaligtasan sa kanilang mga sariling gawa, o sa kung saan pa man?

Hindi, hindi dapat, sapagkat ang lahat ng ating kailangan para sa kaligtasan ay matatagpuan lamang natin kay Cristo. Kaya ang paghahanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa ay tahasang pagtanggi sa kasapatan ni Cristo bilang tangi nating Manunubos at Tagapagligtas.

Q34
Dahil nga tinubos na tayo sa biyaya, sa pamamagitan lamang ni Cristo, dapat pa ba tayong gumawa ng mabuti at sundin ang Salita ng Diyos?

Oo, dahil nga kay Cristo, na Siyang tumubos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang dugo, at sa Espiritu ng Diyos na nagbabago sa atin; kaya naman dapat nating maipakita ang ating pagmamahal at pasasalamat sa Diyos; at sa pamamagitan nito'y napasisiguro rin natin ang ating kaligtasan dahil sa bunga nito; at sa pamamagitan ng ating maka-Diyos na pag-uugali ay maakay rin natin ang ibang mga tao kay Cristo.

Q35
Dahil nga tinubos na tayo sa biyaya, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, saan naman galing ang pananampalatayang ito?

Ang lahat ng kaloob na tinanggap natin ay mula kay Cristo, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, pati na ang ating pananampalataya.

Part 3:
Ang Espiritu Santo, Pagpapanumbalik, at Paglago sa Biyaya

Q36
Ano ang sinasampalatayanan natin patungkol sa Espiritu Santo?

Na Siya ay Diyos, walang hanggan tulad ng Ama, at ng Anak, at Siya ang tatak ng Diyos sa lahat ng sumasampalataya.

Q37
Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo?

Itinutuwid tayo ng Espiritu Santo sa ating mga pagkakasala, at inaaliw tayo nito, ginagabayan rin Niya tayo, at pinagpapala tayo ng lahat ng mga espirituwal na pagpapala at binibigyan ng pagnanais na sumunod sa Diyos. Tinuturuan rin Niya tayo kung paano manalangin nang nararapat at gayundin naman ay ipinapaunawa sa atin ang mga Salita ng Diyos.

Q38
Ano ang panalangin?

Ang panalangin ay pagbubuhos ng ating mga puso sa Diyos sa pamamagitan ng pagpupuri, paghiling, pagpapahayag ng kasalanan, at pasasalamat sa Kanya.

Q39
Sa paanong pag-uugali tayo dapat manalangin?

Ito ay sa diwa ng pag-ibig, katiyagaan, at pasasalamat; na may buong pagpapakumbaba at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos, na ating nalalaman, na dahil kay Cristo, diringgin Niya ang ating mga panalangin sa tuwina.

Q40
Ano ang dapat nating idalangin?

Ang buong Salita ng Diyos ang nagtuturo at gumagabay sa atin kung ano at kung paano tayo mananalangin, kasama na rito ang panalanging itinuro mismo sa atin ni Jesus.

Q41
Ano ang Panalangin ng Panginoon?

"Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo. Masunod nawa ang kalooban Mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa. Bigyan Mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw. At patawarin Mo kami sa aming mga pagkakasala, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga nagkasala sa amin. At huwag Mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas Mo kami sa Masama. Sapagkat Iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian magpakailanman! Amen."

Q42
Paano natin babasahin at pakikinggan ang Salita ng Diyos?

Dapat nating basahin o pakinggan ang Salita ng Diyos nang may sipag, paghahanda, at nasa diwa ng panalangin; upang ito ay matanggap natin nang may pananampalataya, maisapuso natin, at maipamuhay ito sa araw-araw.

Q43
Ano ang mga sakramento o ordinansya?

Ang mga sakramento o ordinansyang ibinigay ng Diyos at pinagtibay naman ni Cristo ay ito: Bautismo at Hapunan ng Panginoon; ito ay nakikitang simbolo at tatak na tayo ay pinagbuklod bilang isang bayan na nananampalataya sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. At sa ating patuloy na pagsasagawa ng mga bagay na ito, ang Espiritu Santo ay lalong nagpapatotoo at nag tatatak ng mga pangako ng Ebanghelyo sa atin.

Q44
Ano ang Bautismo?

Ang bautismo ay paghuhugas sa tubig sa Pangalan ng Ama, at ng Anak, at ang Espiritu Santo; nangangahulugan at sumisimbolo ito ng pagkupkop sa atin sa pamamagitan ni Cristo, ang paghuhugas sa ating mga kasalanan, at ang ating pangako na tayo ay nabibilang na sa Panginoon at sa Kanyang iglesya.

Q45
Ang bautismo ba talaga sa tubig ang naglilinis sa atin sa kasalanan?

Hindi, kundi ang dugo lamang ni Cristo, at ang pagkilos ng Espiritu Santo ang Siyang naglilinis sa atin sa lahat nating mga karumihan.

Q46
Ano ang Hapunan ng Panginoon?

Ipinag-uutos ni Cristo sa lahat ng Cristiano na kumain ng tinapay sa Kanyang hapag at uminom sa Kanyang kopa ng may pasasalamat na inaalala Siya at ang Kanyang kamatayan para sa atin. Ang Hapunan ng Panginoon ay pagdiriwang ng presensya ng Diyos sa ating kalagitnaan; at dinadala tayo nito sa ating pakikisama sa Diyos at sa isa't-isa; at binubusog at pinalalakas ang ating mga kaluluwa. Sumisimbolo rin ito ng ating pananabik na muli tayong makasasalong kumain at uminom ni Cristo sa Kaharian ng Kanyang Ama.

Q47
Ang Hapunan ng Panginoon ba ay may idinaragdag sa ginawang sakripisyo ni Cristo?

Wala, si Cristo ay isang beses lamang namatay para sa lahat. Ang Hapunan ng Panginoon ay isang hapunan ng Tipan na ipinagdiriwang ang sakripisyo ni Cristo sa krus; ito rin ay paraan ng pagpapalakas natin ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating mga paningin sa Kanya, at patikim rin ito sa ating masayang pista sa hinaharap na Kaharian ng Diyos. Ngunit silang kumakain at umiinom nang hindi nagsisisi sa kanilang mga kasalanan ay kumakain at umiinom ng kanilang sariling kahatulan.

Q48
Ano ang iglesya?

Ang Diyos ay pumili at nag-ingat para sa Kanyang sarili ng isang bayan na Kanyang hinirang para sa buhay na walang hanggan at pinag-isa sa pamamagitan ng pananampalataya, na nagmamahal, sumusunod, natututo, at sumasamba sa Diyos nang sama-sama. Isinugo rin ng Diyos ang mga taong ito upang ipahayag ang Ebanghelyo ng Kaligtasan at ipakita sa marami kung ano ang kaharian ni Cristo sa pamamagitan ng kanilang mainam na buhay nang sama-sama at tunay na pag-ibig nila sa isa't-isa.

Q49
Nasaan si Cristo ngayon?

Si Cristo ay nabuhay na muli mula sa libingan nang Ikatlong Araw, umakyat sa langit at nakaluklok ngayon sa kanang kamay ng Ama, na pinaghaharian ang Kanyang kaharian at nananalangin para sa atin, hanggang sa Kanyang muling pagparito upang humatol sa lahat ng tao at baguhin ang buong sanlibutan.

Q50
Ano ang ipinapahiwatig sa atin ng muling pagkabuhay ni Cristo?

Ang pagtatagumpay ni Cristo sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang pisikal na pagkabuhay na muli, upang ang lahat ng sasampalataya sa Kanya ay ibabangon sa panibagong buhay sa sanlibutang ito ngayon, at sa darating pang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutang paparating pa lamang. At makaaasa tayo kapag muli na tayong binuhay ng Diyos ay babaguhin rin Niya ang lahat ng mga bagay sa sanlibutang ito. Subalit ang lahat ng hindi sumampalataya sa Kanya ay bubuhaying muli ngunit dadalhin sila doon sa walang hanggang kamatayan.

Q51
Anong pakinabang sa atin ng pag-akyat ni Cristo sa langit?

Si Cristo ay pisikal na umakyat sa langit alang-alang sa atin, na kung paanong Siya ay nagkatawang-tao at bumaba dito sa lupa para sa ating kapakanan, Siya ngayon ay nasa langit upang maging ating Tagapagtanggol sa harapan ng Kanyang Ama, ipinaghahanda tayo ng isang tahanan, at isinusugo rin sa atin ang Kanyang Espiritu.

Q52
Ano ang pag-asang naghihintay para sa atin sa buhay na walang hanggan?

Ipinapaalala lamang nito na ang kasalukuyang sira at lugmok na sanlibutang ito ay hindi talaga para sa atin, bagkus sa nalalapit na panahon ay mananahan tayo at makakapiling ang Diyos magpakailanman sa Bagong Lungsod na nasa bagong langit at bagong lupa; na doon ay mararanasan natin ang tunay na kasapatan, at habang-buhay nang malaya sa kasalanan, at mananahan nang tuluyan taglay ang bago at maluwalhating katawan sa bagong sangkatauhan.

"The New City Catechism is used by permission of Redeemer Presbyterian Church and The Gospel Coalition."
English Edition, Copyright 2012 by Redeemer Presbyterian Church
Filipino translation by Joshua T. Mabanglo